Feed on
Posts
comments

Saan

Saglit lang ang lumipas
Nang sabihin niyang diyan

Sa kinatatayuan mo
Naiwan niya ang sarili

Ngunit heto siya’t humahangos na naman
Maaring dito o doon.

Gusto mo mang apuhapin pa
Ang dahilan ng kanyang pagkalito

Kung bakit hindi niya matiyak
Kung saan siya huling nakita

O kung bakit siya naligaw
Gayong siya’y taga-rito,

Hindi sila maniniwala sa iyo
Kung sasang-ayon ka sa kanya

Na diyan nga sa kinatatayuan mo
Dapat niyang damputin ang sarili.

Isla

Sinalubong tayo ng isang malaking pananda:

Bawal lumangoy.

Hindi ito babala
kung hindi banta.

Alam nilang darating tayo
upang tawirin
ang kabilang pampang.

Sumisigaw sila.
Huwag na kayong tumuloy!
Marami nang nagtangka
Ngunit nilamon ng dagat.

Nawala.

Ngunit higit ang ating paniniwala
Kaysa mga balumbon ng alon.
Kaya lalangoy tayong sabay,
Lalakad kahit sa ibabaw ng himala.

Mahal, mararating din natin ang kabila.

Pieta

Hindi madipa ang lawak
ni masapo ng isip
itong dalamhati;
hindi mabuhat ng Ina
ang bigat ng krus
sa dibdib - 
itong lubus-lubos
labis-labis na hapdi.

Kolam

She will always tell this is more than just a Southern ritual
but a commitment to her craft – an everyday perfection of sacred art.

Before the day breaks she has cleaned this doorstep
thoroughly brushed and washed with water
just as her face is cleansed by the morning dew chill.
From a canister she would grab a handful of rice talc
perfectly grinded, pounded so white as chalk .
She’d bow a little; her body’s bent, her two legs supporting her weight
just right to concentrate.
Then her hands will free the fine dust gradually
as if prayers drop noiselessly onto the waiting ground.

The rice powder falls precisely in place like following a rhythm of sound-
less beat :  curves, curls, circles interlink; lines cross, crack
in elaborate crevice. And this is masterpiece: like sari’s classic sheet.

As the day unfolds while ants feast,
she looks forward for tomorrow for another exhibit.

31 January 2008
Chennai, India

Kolam –  a decorative variety of sandpainting using rice powder practiced in South India

Weekend

inakala niyang hindi na naman siya dumating.

lapat na lapat pa rin ang puting bedsheet,
walang dantay ang mga unan
magkatabi pa rin ang pares ng tsinelas sa ilalim ng kama
maayos pa rin ang mga magazine sa center table
walang upos ng sigarilyo sa ashtray
at ang remote control ng tv
ay hindi namasyal sa gilid ng sofa gaya ng dati.

tinungo niya ang banyo
pero tahimik na nakatingin ang gripo.
walang mantsa ng tubig ang tiles,
walang pawis ang shower curtain,
walang alingasaw na naiwan ang matapang niyang mouthwash,
ni walang dungis ang salamin na lagi nang
natatalsikan ng pulang toothpaste.

pero pag diretso niya sa kusina,
siya naman ang nabigla.
kaninina pa pala nag-aabang sa kanya sa mesa
ang kapeng namutla na sa pag-iisa.

Pahayag

pagkat walang oras
itong paglipol.

maaari Niyang lagumin,
likumin ang lahat ngayon
sa Kanyang mga kamay
at simulan itong pagsususlit
sa iyong pag-iral:
gaya nang pagsusubi
ng buto,
ng bato
itong pagbubukod.

minsan na Siyang nagbabala
sa mga hiwa sa langit
at sa mga bitak sa lupa
ngunit hindi ka natinag.
kagabi’y hindi mo narinig
na binugbog Niya ng katok
ang iyong pinto
sana’y naalimpungatan ka
sana’y bumangon
o kunwa’y nabulabog.

pagkat anomang oras
maaaring mabago ang lahat
sa mahika ng Kanyang salita;
at sa isang iglap
maaari Niyang ikumpas sa hangin
ang Kaniyang kamay:

ito ang wakas,
ngayon ang simula.

tuwing akala mo’y uulan,
ngunit hindi.

magaling manlilang ang ulap
lalo’t tinititigan.

tuwing akala mo’y uulan,
ngunit hindi.

madaling magbago ng kulay ang ulap
higit pa sa inaasahan.

Hinihimay niya ang katahimikan
sa salansan ng hindi masagot na mga tanong,
sa mga tanong na kaya mong sagutin
ngunit hindi kayang bigkasin
sa mga tanong na alam niya ang sagot
ngunit hindi naman kayang tanggapin.

Nililito kayo ng mga dahilan
ginugulo ng mga pagdadahilan
nililinlang ng mga pagkakataong walang dahilan.

Ngunit sa huli’y hindi naman kailangang sagutin
ang lahat ng mga tanong
o usisain ang lahat ng mga sagot na patanong.
Minsan walang dahilan
at hindi sagot ang sagot
sa mga katanungan.

Pagkat malimit, katahimikan.

Stopover

sana’y parang stopover lang
itong paglalangas ng sugat
parang pagsusupil ng inip sa airport
habang naghihintay ka ng connecting flight.

sabay ng pag-abot mo ng boarding pass,
mawawala ang sugat.
mawawala ang pilat sa balat.
walang makikitang bakas.

at pagkaupo mo at pagkasukbit ng seatbelt,
magsasalita ang pilot;
pwede nang mag-take-off ang plane
dahil wala kang bagahe ng galos.

kama sutra

1

gumuguhit sa isipan
ang bunga nitong mga panagimpan -
gaya nang mga nakaraan, buo:
siya itong pumupuno,
ang tugma sa palad,
ang kasukat nitong puso.

2

walang dapat ipagmadali
walang
dapat
magmadali

3

ngunit ginising ka ng alarm clock.
ang malambing mong unan, muli’y umiiyak.

« Newer Posts - Older Posts »