Nang muli tayong nagtagpo ngunit wala na akong baong tula
October 20, 2007 by kabilangbuhay
Nauubos rin pala ang balon ng salita. Napupudpod
ang mga talinhaga kung mag-isa kang naglalakad sa daan
o kung mag-isa kang lumilipad sa kalawakan ng kawalan.
Kung hindi man unti-unti o dahan-dahan,
sabay-sabay nagluluksa ang mga pangarap
habang nagsasaya ang iyong mga tala.
Kaya nang tanungin mo ako kung saan ko ba itinali,
itinago ang salita, wala nang pulang rosas na lumabas
sa bibig. Tuyot na ang mga bulaklak sa gunita.