India: Ilang pagod na tuludtod
October 20, 2007 by kabilangbuhay
Daloy
At payapang nagpahinga ang kettuvalam
Sa gilid nitong tubigan
Walang idinaong na hinanakit
Sa papalubog na araw.
Lagi ngang may tanging lugar
na kumupkop sa pananahimik
kahit saan mang sulok nitong daigdig.
Kerala
Misteryo rin itong mga pulo-pulong niyebeng
lumulutang-lutang sa iyong langit-langitan
at ang malapad na lupa ay kinumutan
ng mamahaling sari ng tagpi-tagping kulay –
wari’y araw-araw na salubong sa Onam.
Nang makita rin kita sa lansangan ng Mumbai
Pagkat ganito raw nagaganap ang lahat
sa siklong ang hanggana’y hindi matiyak.