tulog
July 8, 2007 by kabilangbuhay
Humalo na sa dugo ko ang gatas na ininom ko kanina
ngunit hanggang ngayo’y di pa rin ako hatakin ng antok
kahit anong lamig pa ang dala ng gabing sinumpong ng ulan.
Bakit ikaw itinumba mo ang matapang na kape
pero hayan at malayang namamaluktot
yakap ang matigas na unan
at minsa’y pabiling-biling pa sa nilamutak na kutson.
Sa lumalalim mong pagtulog
habang hinuhukay ko mag-isa ang gabing iyon
nakabibingi ang hagok ng iyong paghilik -
hudyat na nagtagumpay ka na naman at narating ang panaginip.
Mag-isa ka na namang nakapaglakbay
sa mga pangarap na dapat tayong dalawa ang aabot.
Nangako naman akong sasamahan kita kahit saan
ngunit bakit hanggang sa panaginip di mo ako kayang pagtiwalaan.
Iniwan mo na naman akong nakatunganga
naghihintay sa pagbabalik ng iyong ulirat,nag-aabang
na sana’y bigla kang maalimpungatan
at makita mong gising pa pala ako sa tabi mo
na tila kuwagong nakamasid sa iyong payapang paghimlay.
Heto ako at matiyagang hinihintay
na kahit pakunwari, kahit pasinghal pa,
oo, kahit walang anomang halong lambing
marinig man lamang sa iyo: tulog na tayo.
Ikaw ba ito talaga?
Eto yung paborito kong tula dun sa Panorama noon pa…nawala ko na yung kopya ko (yung ni-cutter ko lang)
Galing galing! Sana makarinig ako galing sayo.