Hibik sa langit
June 7, 2007 by kabilangbuhay
Lupaypay ang templo kong
dinelubyo ng pighati.
Sa siwang nga ng langit
ay ihulog naman ang mga tablang
pinagbayubayan ng panaghoy.
Aabangan ko ngayon ang pagbagsak nito
na hindi kukurap man lamang
at sasaluhin ng dalawang kamay
ang biyaya nang may buong kapanabikan.
Maaanong ipagkaloob maging
mga pakong minsa’y tumagos
sa lamang walang bahid kasalanan –
pampatibay sa tulos na gumiray
sa ngitngit ng agos.
Pagkat ngayon, kailanga’y matatag na suhay
bago tumilaok ang ikatlong araw
ng takdang paghusgang daratal.