Itim
September 17, 2006 by kabilangbuhay
Hindi ka nila nakitang umiyak, Fatima.
Di tulad ng bata mong kalong
na pumalahaw nang lumisan ang kanyang ama.
Hindi nila nakita ang iyong pagtutol.
Walang pagsuway sa iyong labi
o pagkasuklam sa iyong mata.
Dahil ikinintal sa noo na ang aral ay dalisay
at kasakdalan itong pagsunod.
Ngunit kailan nila malalaman
na ikaw rin ay humihinga, Fatima;
nasasaktan kapag tumatagos sa puso ang sakit
at ang hapdi ng pagkabigo’y
nag-iiwan ng sanlibong bangungot
sa madaling araw at pagmumulto
kahit sa katanghalian;
at ang telang tumatabing sa iyong mukha
ay kublihan nitong di maihingang samo’t awa.
Sa kanilang kalagitnaan makailang ulit ka nang namatay
ngunit hindi kailanman nabuhay.