pagsuko: huling yugto ng paghihintay
August 19, 2006 by kabilangbuhay
sumisiksik sa mga talukap ng ulap ang bawat salita
binubulabog ang kalawakan ng kamalayan
sa pagdulog ng pananangis
sa paghiling sa mga diyos-
diyosang magsugo ng manunubos sa sansinukob
na kukupkop sa bumubundat na inip,
ano’t manlilinlang ang isang libong libang
hanggang ang mga kulay magtalik –
ang puti sa pula sa itim, sa salu-
salong walang patid. paulit-ulit. inulit-ulit.
sa basbas ng dilim, ang lahat-
lahat mo ay sumuko nang palihim.
mula sa pintang Surrender ni Jenny Mamaril