Limang ulit
August 27, 2006 by kabilangbuhay
dito limang ulit isang araw
kung magbanlaw ng sala ang dibdib.
kapag kumawala sa orbit
natitipon itong mga lakas
at tatangayin ng kung anong grabedad
ang halos lahat ng namamalas
paharap sa direksyon ng sagradong lungsod;
kapag humudyat ang alingawngaw
kumakalas ang mga polo sa aksis
humihinto ang paggalaw
at pumipino ang paligid;
tumitiklop ang mga katawan
at kinakatagpo ng noo ang init
ng lupang naghihintay sa mga tagulaylay.
dito limang ulit isang araw
kung magbanlaw ng sala ang daigdig.