Ganito tayo
August 29, 2006 by kabilangbuhay
Sinanay na natin ang isa’t isa
Na ganito:
Nakakulong sa loob ng kahong
Tayong dalawa lamang ang laman
Na tanging ang hininga mo
At hininga ko
Ang nakauunawa sa kasuluksulukan
Ng ating kaakuhan.
Dahil sa loob walang patlang
Ng kalungkutang hindi kayang mapunan.
At sa paggising ng araw
Pinaghihiwalay tayo ng init ng sinag
Nitong humuhulas sa ating pagkakahinang.
Dahil sa ating paglabas
Doon wala tayong imikan
Na tila mga kaluluwang hindi magkakilala
Walang ngiting pagbabanggain
Kung magkukrus man ang daan.
Walang dapat makitang bahid
Ng nangyari kagabi.
Ganito nga tayo hinulma -
Dapat walang mantsa
Dahil kasalanan ang madungisan,
Dahil kasalanan ang marumihan.
Sa mata ng mundong ginagalawan
Walang katwiran ang pag-ibig mo
Walang katwiran ang pag-ibig ko.
[ Matagal ko nang naisulat ito. Noon pang Hunyo 21, 2004. Naisipan ko lang muling idikit. Isa ito sa ilang mga tula kong lumabas sa YOU ng INQ7.net ]