Agwat
August 16, 2006 by kabilangbuhay
Kapag ganitong sinusupil ng ulap
Ang buhaghag na liwanag
Naghahakot ng suson-susong lungkot ang langit-
Sapin-saping lamig ang ibubuhos sa balat
Na kukutkot sa natitirang pananalig.
Dito mainam manudyo ang pag-iisa.
Mausisa’t walang pasubaling pagtatakhan
Ang bawat laktaw ng oras at araw ng pagkakawalay,
Ang bawat hinahon at ligalig sa mga pagitan nito:
Iniisip mo pa rin kaya ako
Habang patuloy na lumalawak ang namamagitang
Agwat sa ating mga pintig?
O unti-unti mo nang binubura ang mga pangalan
Ng alaalang dati rati’y nakakulong sa iyong silid?