12:00 am shift
August 31, 2006 by kabilangbuhay
Simula pa lang sinabi ko na sa iyo
Huwag kang mangangako ng walang hanggan
Dahil maniniwala ako,
Maniniwala ako.
Ngayon, sabi mo ayaw mo nang mag-kape
Hindi na masarap ang paborito nating Caesar’s salad
Hindi na nga matamis ang kahit anong
Scoop ng double dutch ice cream.
Lahat sa ‘yo parang mapait
Lahat sa ‘yo parang walang lasa
Lahat sa ‘yo walang halong gana.
Pero panay mo namang sinasabi:
Ayos lang ang lahat.
Mahal kita. Walang nagbago.
Wala tayong problema.
Hindi mo alam
Giniginaw na ako sa pagkabato rito.
Diretso pa rin ang tingin mo sa kalsada
At seryosong nakakakapit sa manibela.
Alam kong hindi ka mahilig sa Guns N’ Roses
Pero sige’t paulit-ulit ang tugtog ng Patience sa loob ng kotse
Hanggang iwan mo akong wala na namang buhay
Sa RCBC Plaza passenger drop-off.
[ Another old poem na epekto ng call center. Gusto ko lang i-post. Basta. ]