Not so clerical
December 14, 2005 by kabilangbuhay
Para silang taga-city hall, sabi mo
at humirit pang They’re just a bunch of clerks.
Tuloy biglang sumagitsit sa mga ugat ng utak nila
ang mga binitiwan mong salita.
Mainit na mainit.
Pumapasong higit sa karaniwang lagnat
na kaya yatang pasulakin
ang asoge ng clinical thermometer.
Parang init ng mabangong cappuccino
na isinusuka ng vending machine
na kapag walang anu-ano’y mapapatakan
ang walang kamalay-malay na balat
dahil sa maling paghawak sa paper cup.
At saka mapapa-aray.
Ouch!
Sa harap ng computer
ay datna’t-panawan sila ng panahong
ikinulong sa iba’t-ibang time zone.
Wala silang magawa.
Wala silang magawa
sa mga binitiwan mong salita
kahit alam nilang marami silang nagawa
higit sa mga bulto ng mga tinipang document
na umaapaw sa pagkakasalansan sa filing cabinet.