tisyu
July 7, 2005 by kabilangbuhay
Gusto kong lusawin
ang lahat-lahat mong gunita –
unti-unti ngunit
banayad ngunit
marubdob.
Pilasin ang bawat
rekwerdo ng pag-ibig
kahit pa sa huling
pagpahid ng luha
(tulad ng tsaang nakatanghod
sa ating mga elihiya na tumatabang
sa pagnanasang malagok)
may masasala pa ring pait,
may kahapong mababaklas,
may tagpong mapupunit.